Sobrang lakas ng ulan kaya lahat ng kids ay nag-cancel na ng kanilang sessions. Alas dose palang, nakababa na kami ni Jessy at Lorlor ng Tycoon pero kumain muna kami sa McDo. Tumambay pa kami kasi baka humina ng kaunti yung ulan. Imbis na humina ang ulan, lalong lumakas at sinabayan pa ng malakas na hangin. Buti nalang sinundo kami ng mom ni Jessy at nakababa kami ni Lorlor sa may Boni. Nung nakita ko naman yung daan pauwi ng Makati, natuwa ako dahil hindi masikip ang trapiko. In fact, madalang nga ang sasakyan sa daan. Tuloy tuloy naman ang byahe pero biglang tumigil sa Pasong Tamo. Naghintay ako ng 30 minutes pero hindi pa rin makalampas sa traffic light na kapiraso nalang talaga ang layo. Sabi ni kuya driver, "Siguro sa Dian ang baha. Hindi naman nagbabaha dyan sa Mayapis". Ako naman, naniwala kay kuya at hinintay ko pa rin na gumalaw ang bus. Sobrang tagal talaga. Ayaw pa rin umusad. Maya maya, may nakita akong bus on the other side at natanggal na ang kanyang bumper. Oh no! Akala ko ba hindi bumabaha sa Mayapis, Kuya? Nagdesisyon na akong bumaba ng bus kasi mukhang hindi naman baha.
Pagkalampas ko ng traffic light, napansin ko na stranded na ang mga sasakyan sa dulo kaya pala hindi na umuusad ang mga bus. Bakit kaya stranded? Baha na ba sa unahan? After a while, naramdaman ko na ang baha. Unti-unti tumaas ang tubig. Nung una, hanggang ankle ko lang tapos naging hanggang tuhod na. Oh my! Deadma lang ako, inisip ko nalang na kailangan kong bilisan umuwi para matapos na ang lahat ng ito. Lakad lang ng lakad hanggang D KO NA KINAYA dahil kapag nagpatuloy pa ako, mahaharass na ang pagkatao ko. Tulongggggggggg!!! May mga pedicab sa paligid pero san ako uupo dito? Sa bubong?
Kuya pedicab driver: "Pedicab po, ma'am?"
Ako: "Kuya, san ako uupo dyan?"
Kuya: "Dito." sabay hawak sa driver's seat.
Ako: "Magkano naman kuya?"
Kuya: "Magkano ba binabayad mo papunta dun?"
Ako: "Hindi ko alam kuya eh."
Kuya: "Ngayon lang din ako nagtulak dito."
Ako: "Ok na 50, kuya?"
Kuya: Natahimik. "Dagdagan mo naman ng konti."
Ako: "70, pwede na."
Kuya: "Sige."
Ako: Umupo na ako ng nakataas ang dalawang paa sa metal na parang katawan ng pedicab. Oh no! Dala ko pa ang laptop kong napakabigat. "Kuya, hindi ba ito babaligtad?"
Kuya: "Grabe ka naman. HIndi yan. Hawak ka lang."
Ako: "Malalim na ba ito kanina, Kuya?"
Kuya: "Bumaba na nga ito eh. Kanina hanggang dibdib na yan. Yung isang dalaga nga kanina, sa bubong ko pinaupo kasi sobrang taas na ng tubig."
Ako: "Grabe. Ngayon lang ako nakaranas ng ganito kabaha. Dati hanggang tuhod lang." Biglang may dumaan na sasakyan kaya parang nagkaroon ng baha waves. Napasigaw ako. "Waaaaa."
Kuya: "Hawakan mo yung manibela, itutulak ko sa likod."
Ako: Tiniklop ko na ang payong ko at humawak ng mahigpit sa manibela. "Baka mahulog ako kuya ah."
Kuya: "Kumapit ka lang ng mabuti. Wag mo papuntahin sa gilid. Sa gitna lang kasi mas malalim dyan sa gilid. Pakiramdaman mo lang ang tubig ah."
Ako: "Baka abutin na ko ng tubig. Hala."
Kuya: "Ganito sa Makati, Baha." Natawa naman ako dun, kuya. Haha. "Dito ka na ba bababa?"
Ako: "Dun sa Cityland, Kuya."
Kuya: "Dito na ba?"
Ako: "Hindi, Kuya. Yung sa unahan pa."
Kuya: "Naku, mataas na ang tubig dito."
Ako: "Kuya, dito nalang sa Cityland na ito. Iikot nalang ako sa kabilang Cityland. Kuya, ibaba mo ko dun sa medyo tabi ah." Sinubukan pa ni kuya na medyo itulak over a hump ang pedicab pero hindi na talaga kinaya dahil pababa ang sahig so baka lumubog kami at lalong madisgrasya. Napaparanoid din ako habang tinutulak nya dahil tumatagilid ang pedicab. Scared! Baka pagtulak nya ay tumaob ako at lumagpak sa tubig baha. Na-feel ko ang pagkahaggard ni kuya kaya dun ko nalang sa gilid pinatabi. Medyo nahirapan pa akong lumipat kasi kailangan kong tumayo sa driver's seat at kailangan kong umapak sa isang mas mataas na semento para hindi ako mabasa ng tuluyan. Kailangan kong ibalanse ang sarili ko dahil isang maling galaw lang ay mahuhulog talaga ako. Salamat talaga kay kuya.
Salamat at nakatayo na rin ako dun sa semento. Akala ko tapos na ang problema ko pero hindi pa pala. Kung ayaw ko ulit lumusong sa tubig, kailangan kong lumipat ulit sa isang mas mataas at mas malayong semento kung saan may isa pang kuya na nakatayo.
Ako: "Pano ako bababa?"
Kuya pedicaber: "Liban ka dun sa isa pang semento."
Kuya in polo and slacks: "I'll help you."
Ako: "Abot ko ba ito?" Sinubukan kong i-stretch ang paa ko, ngunit nabigo na naman ako. Unang una, mas mataas ang dapat kong lipatan kaya kailangan ko ng malakas na pwersa para iakyat ang buo kong katawan. Pangalawa, hanggang gitna lang ang kinaya ng legs ko na abutin. Kung ipipilit ko na maabot ang kabilang semento, isa na akong hibang dahil parang sinabi ko na rin na kaya kong mag-split.
Kuya in polo ang slacks: "Can you make it?"
Ako: "It's too far."
Kuya pedicaber: "Kailangan mo ng tulong?" Lumapit si kuya sa akin.
Ako: "Bababa nalang ako."
Kuya in polo ng slacks: "Give me your bag. I'll hold it for you. Hindi ko naman yan maitatakbo dahil baha everywhere."
Ako: Binigay ko na kay kuya in slacks ang bag ko at lumusong na ako ulit sa baha. Hindi naman na-harass ang pagkatao ko dahil lampas ng konti sa tuhod ang tubig. No choice na eh, ilang hakbang nalang. Woah. "Salamat, kuya"
Kuya in slacks: "It's ok."
Matapos ang paglusong sa baha, nakaahon na rin ako at nakarating sa paparoonan. Hay. Sa wakas. Salamat sa Dyos. Pagkadating ko sa bahay, sabi ng nanay ko ay naghahanap na raw sya ng number ng clinic para malaman kung nasaan na ako. Nawalan kasi ako ng battery kaya hindi na ko nakapag-text. Napakagandang timing nga naman. Bago pa ko makapasok ng tuluyan sa condo, inabutan na agad ako ng twalya para maligo. At last! Salamat ulit kay Lord.
Nakabukas ang TV at nanonood ng news ang mga tao sa bahay nung dinatnan ko sila. Hindi lang pala Makati ang baha. Napakadaming lugar ang baha at napakaraming tao ang stranded. Sabi sa balita, may mga tao na nasa bubong na dahil napakataas ng tubig. Wala na silang ilaw at wala pa silang makain. Meron pang ibang mga nanay na buhat ang kanilang mga baby na nasa bubong at second floor na ng bahay nila. Humihingi sila ng tulong dahil baka tumaas pa ang tubig at baka kung ano pang mangyari lalo na sa mga bata. Na-realize ko din na blessed pa rin ako dahil kahit na ano pa ang nangyari kanina, nasa bahay na ako ngayon at ligtas.
Sa mga nagrereklamo at naiinis dahil sa ulan, sana maisip din natin na blessed pa rin tayo dahil ligtas tayo kumpara sa ibang tao na nasa labas pa rin at walang kasiguraduhan ang buhay. Imbis na mainis, ipagdasal nalang natin ang kaligtasan nila. Lord, sa mga tumutulong sa rescue, sana bigyan Nyo po sila ng lakas para mas makatulong pa. Sa mga stranded sa iba't ibang lugar, sana po magtiwala sila at wag mawalan ng pag-asa. Amen.
That in All Things, God May be Glorified!